Tugon ng AMLC sa isyung bank deposits ng mga dawit sa illegal drug trade, natanggap na ng NBI

MANILA, Philippines (Eagle News) — Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na natanggap na ng NBI ang hinihintay na tugon mula sa Anti Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa imbestigasyon ukol sa mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drug trade

Ayon kay Aguirre, mahigit isang oras matapos ang talumpati ng Pangulo nitong lunes sa anibersaryo ng NBI, ay dumating ang tugon mula sa AMLC.

Ang tugon ng AMLC ay may petsang Nobyembre 11, 2016, ngunit dahil sulat-kamay lamang ang petsa ay duda si Aguirre kung totoo ngang handa na ang mga dokumento sa nasabing araw.

Sinabi pa ni Aguirre na may pinanggagalingan ang hinaing ni Duterte sa AMLC dahil noong bago mag-eleksyon mabilis na nasilip ang kanyang bank account sa BPI na sinasabing naglalaman ng 211-million pesos.

Sana aniya ay nag-imbestiga sa nasabing paratang ang AMLC dahil makikita naman na walang ganoong kalaking halaga sa kanyang bank account si Duterte.

Kung ito aniya ay nangyari posibleng mas malaking boto  ang nakuha pa ng Pangulo.