Tax reform sa PHL, napapanahon na – Rep. Salceda

(Eagle News) — Napapanahon na raw para magkaroon ng tax reform sa bansa. Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, masyado nang mataas ang binabayarang buwis ng mga ordinaryong mangagawang Pilipino.

Sa Asya aniya ang Pilipinas ang may pinakamataas na buwis na ipinapataw sa mga empleyado.

Si Salceda ang may-akda at naghain sa House Bill 4688 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Nakasaad sa nasabing panukalang batas na ibaba ang personal income tax ng mga empleyado at itaas ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Paliwanag ni Salceda, makakatulong sa mga mahihirap na pamilya ang pagkakaroon ng reporma sa buwis. Ang makokolektang aniyang kita mula excise tax ng oil products ay gagamitin o ilalaan bilang unconditional cash transfer para sa mga mahihirap na pamilya.

Kabilang sa mga nakasaad sa isinusulong na tax reform ay bibigyan ng anim na libong piso (Php 6,000) kada taon ang mga mahihirap na pamilya.

Kapag itatas kasi ang excise tax sa mga produktong petrolyo ay magkakaroon din ito ng epekto halimbawa sa pamasahe.

Sabi ni Salceda, ito ang magiging paraan para matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

Nasa anim na milyong pamilya aniya ang inaasahang makikinabang sa conditional cash transfer (CCT).