SOJ Aguirre, nagsabing nais siyang idawit ni Sen. De Lima at kaalyado sa Immigration Bribery scandal

MANILA, Philippines (Eagle News) — Ibinunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mayroong plano ang ilang Senador na bigyan ng legislative immunity ang dalawang dating Immigration Deputy Commissioners na dawit sa bribery scandal para siya ang idiin sa kontrobersya.

Tinukoy ni Aguirre sina Senador Antonio Trillanes IV, Francis “Kiko” Pangilinan at Senadora Leila De Lima na nagbabalak umanong isulong ang immunity sa mga sinibak na Bureau of Immigration (BI) officials na sina Al Argosino at Michael Robles.

Naniniwala ang kalihim na nais nina Trillanes na madiin siya para makaganti sa kanya.

Tahasan pang tinawag ng kalihim na mga “Dilawan” at sinabing walang maisip na mabuti ang nasabing mga senador.

Hindi aniya matanggap ng mga ito na hindi siya nasuhulan ng Online gambling tycoon na si Jack Lam.

Muling itinanggi ni Aguirre na may kinalaman siya sa suhulan at mismong sina Argosino at Robles na ang nagsabi nito.

Ang nagpipilit lang aniya na isangkot siya sa eskandalo ay si Trillanes na binansagan pa niyang  “Sundalong Kanin.”

https://youtu.be/yxYT8WH4jtE