Smartmatic officials, tiniyak na hindi aalis ng bansa

(Eagle News) — Tiniyak ng Smartmatic na hindi aalis ng bansa ang mga opisyal nito habang isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang imbestigasyon.

Kaugnay ito ng breach of protocol ng Smartmatic dahil sa walang pahintulot na pagbago sa character ng script sa transparency server.

Screen shot 2016-05-17 at 9.29.47 PM
Atty. Karen Jimeno

Ayon kay Atty. Karen Jimeno, nakahanda aniyang humarap sa imbestigasyon ang kanilang mga tauhan bagaman muling iginiit ng kumpanya na nabago lamang ang character sa hash code nang ilagay ng isang opisyal ng Comelec ang password sa system.

Kaugnay nito, nais ding malaman ng Smartmatic kung ano talaga ang protocol para sa minor change o bahagyang pagbabago sa sistema.

Bagamat nirerespeto ng Smartmatic ang inilabas na memorandum ni Commissioner Rowena Guanzon, wala umanong nakikitang pangangailangan para gawin ito.

Subalit sagot naman ni Guanzon, kinakailangan na atasan ang en banc para pigilin ang mga Smartmatic official na lumabas ng bansa bilang pagpapakita aniya na seryoso ang komisyon na imbestigahan ang nangyari.

Binigyang-diin din ni Guanzon na hindi dapat lumapit sa kanila ang mga opisyal ng Smartmatic habang isinasagawa ang pagsisiyasat.

Una nang nagpalabas ng kautusan ang en banc na nagbabawal sa mga opisyal ng Smartmatic na lumapit sa canvassing system ng national Board of Canvassers.

Kung sakali aniyang mapatunayan na may pagkukulang ang kumpanya, maari silang magbayad ng multa at pwede ring ma-hold ang 10% performance bond na hindi pa nababayaran ng Comelec.

Kinukonsidera rin ni Guanzon na ipa-blacklist ang Smartmatic sa paglahok sa mga susunod na eleksyon sa bansa.

Samantala, magsisimula ang imbestigasyon pagkatapos na ng canvassing ng Comelec sa senatorial at partylist race at sa timetable ng poll body, 15 araw ang posibleng itatagal ng pagsisiyasat.