Panukalang pagbaba ng minimum age sa criminal liability sa PHL, tinutulan

By Ailly Mill
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Tinutulan ng ilang grupong nagsusulong sa karapatan ng mga kabataan ang planong ibaba ang minimum age sa criminal liability.

Ang minimum age sa criminal liability ay ang pinakamababang edad kung saan ang isang tao ay maaaring sampahan ng kaso sa korte at makulong.

Dito sa Pilipinas,  batay sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na inamyendahan ng Republic Act 10630  ang isang batang ang edad ay labinlimang taong gulang o mas bata pa na lumabag sa batas ay ipinalalagay na walang kriminal na pananagutan pero kailangang sumailalim sa isang intervention program.

Sa kasalukuyan may mga panukalang batas ang nakahain ngayon sa Kongreso na naglalayong ibaba ang minimum age ng criminal liability sa siyam na taong gulang, bagay na tinututulan ng ilang Child Rights Group.

Ayon sa UNICEF Philippines, Child Rights Network at Philippine Action for Youth Offenders (PAYO), hindi maaaring ibaba ang  minimum age sa criminal liability ng mga menor de edad dahil nakalagda ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Rights of the Child.

Ibig sabihin, kinakailangang sundin ng gobyerno ng Pilipinas ang mandato na protektahan ang karapatan ng mga bata.

Taliwas din anila ito sa prinsipyo ng criminal law.

Paliwanag naman  ng Psychological Association of the Philippines at Humanitarian Legal Assistance Foundation, hindi maaaring ibaba sa siyam (9) na taong gulang ang minimun age sa criminal liabilty dahil hindi pa ganap ang pag-unlad ng mga bata.

Bagamat masasabi anila na may kakayahan na silang matukoy kung ano ang tama at mali ngunit kulang pa rin ang kanilang kapasidad dahil sa murang edad ay hindi pa nila ganap na makita ang pangmatagalang epekto ng kanilang mga desisyon.

Batay sa tala ng Philippine National Police(PNP), Syamnapu’t-walong porsyento (98 %) ng mga naitalang krimen sa Pilipinas mula 2006 hanggang 2012 ay gawa ng mga matatanda.

Dalawang porsyento lamang ng kabuuang bilang ng krimen ang kinasasangkutan ng mga bata na kung minsan ay ginagamit pa ng mga sindikato

Dahil dito, ang dapat daw na hulihin ay ang mga sindikatong nambibiktima ng mga bata.

Inilarawan naman ni Senador Risa Hontiveros na  isang “death sentence” para sa mga bata  ang panukalang ibaba ang minimum age sa criminal liability.

Naniniwala rin si Akbayan Representative Tom Villarin na palakasin na lamang ang Juvenile Justice Welfare Act lalo na ang pagtulong sa mga batang may suliranin sa batas para makapagbagong buhay.

Eagle News Service