Pangulong Duterte, walang nilabag sa reinstatement ni PSupt. Marcos – CGMA

MANILA, Philippines (Eagle News) — Walang nilabag si Pangulong Rodrigo Duterte nang ibalik sa pwesto si Supt. Marvin Marcos bilang director ng CIDG sa Region 8.

Ito ang nilinaw ni dating pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo matapos ulanin ng batikos ang naging hakbang ni Duterte.

Si Marcos ay unang na-relieve matapos ibunyag ng drug lord na si Kerwin Espinosa na tumatanggap ng drug money si Marcos.

Ayon kay Arroyo, si Duterte ang Commander in Chief kaya prerogative nito ang gawin ang anumang inaakala nitong dapat gawin sa sinumang miyembro ng Philippine National Police (PNP) o ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tulad umano noong siya pa ang Pangulo, si Duterte ay may hawak na mga mabibigat na impormasyon na ito lamang ang nakakaalam at pinagbasehan ng kontrobersiyal nitong desisyon.

Dahil dito, sinabi ni Arroyo na hindi dapat basta hinuhusgahan kung bakit kinailangang ibalik pa sa pwesto si Marcos bilang pinuno ng CIDG sa Region 8.