Pagsasaka, mapanganib na uri ng child labor – DOLE

(Eagle News) — Idineklara ng Department of Labor and Employment (DOLE), na mapanganib at isa sa mga pinakamalubhang uri ng child labor ang ilan pang mga trabaho na may kaugnayan sa pagsasaka.

Ito ay alinsunod sa Department Order No. 149-A ni Labor secretary Silvestre Bello III, na nagpapalawig sa employment ban sa mga menor de edad sa sektor ng agrikultura at livestock farming.

Partikular na tinukoy ng DOLE, ang mga plant propagation activities gaya ng grafting, budding and marcotting, at tending activities.

Sa bagong kautusan,  muling ipinaalala ang existing ban o pagbabawal sa employment ng mga menor de edad para sa mga farming activities tulad ng irigasyon, clearing ng lupa, at mga katulad nito.

Idineklara ring hazardous o mapanganib sa mga minors ang  aplikasyon ng mga fertilizers, pesticides, herbicides at iba pang nakakalasong kemikal at ang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay.