OFW remittance, tumaas ng 5% noong 2016; pumalo sa $26.9-billion

MANILA, Philippines (Eagle News) — Pumalo sa pinakamataas na antas ang halaga ng perang ipinadala ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) noong nakaraang Disyembre ng 2016.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nitong Disyembre 2016, umabot sa 2.56 bilyong dolyar ang ipinadalang pera ng mga OFW na nakabase sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa kanilang mga kaanak dito sa bansa.

Ayon sa BSP, ito ang pinakamalaking monthly inflow cash remittance na naitala sa kasalukuyan.

Katumbas ito ng 3.6 porsiyentong (%) pagtaas mula sa naitala noong taong 2015 na nasa $2.47 bilyong dolyar sa kaparehong buwan.

Malaking  bahagi  ng perang pumasok sa bansa ay mula sa mga OFW na nakabase sa Japan, Qatar at Amerika.

Sa kabuuan ng taong 2016, pumalo sa 26.9 billion dollars ang perang pumasok sa bansa na nagmula sa mga ofw na mas mataas ng limang porsiyento kumpara noong 2015.