Matataas na opisyal ng PNP, dawit sa kidnap-slay ng Korean businessman

(Eagle News) — Ibinunyag ni Justice Seceretary Vitaliano Aguirre II na may ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang dawit umano sa pagdukot sa dating executive ng Hanjin Shipping Firm na si Jee Ick Joo.

Ayon kay Aguirre, tinukoy na ni SPO3 Ricky Sta. Isabel ang mga opisyal ng pulis na kasangkot sa pagdukot kay Jee noong October 18, 2016.

Bukod pa aniya ito sa walong kakuntsaba umano ni Sta. Isabel na nahaharap na rin sa kaso sa Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Aguirre, matataas na mga tao na nakapaligid sa PNP ang ibinunyag ni Sta. Isabel na posibleng sangkot sa krimeng ito.

Gayunman, hindi pa naido-dokumento ang mga inilahad ni Sta. Isabel sa NBI, dahil nagkaroon pa ito ng hindi pagkakaintindihan sa kaniyang abogado.