Ilang voter registration verification machine sa 3 polling center sa Maynila, hindi gumana

Sa Rosauro Almario Elementary School, nasa 23 VRVMs ang hindi gumana nitong Lunes, ika-13 ng Mayo./Moira Encina/Eagle News/

Moira Encina
Eagle News

Maliban sa mga nagkaaberyang vote counting machines, hindi gumana ang VRVM o Voter Registration Verification Machines sa ilang polling precincts sa Maynila.

Ilan sa mga ito ay ang Rosauro Almario Elementary School, Manuel L. Quezon Elementary School at Magat Elementary School.

Ang lungsod ng Maynila na pangalawa sa may pinakamaraming botante sa buong bansa na mahigit 1 milyon ay isa sa mga napiling pilot areas ng Commission on Elections para sa paggamit ng VRVMs.

Sa Rosauro Almario Elementary School na mayroong pinakamaraming registered voters sa Maynila, umabot sa 23 VRVMs ang hindi gumana at kailangang palitan.

May dumating naman na replacements para sa VRVMs makalipas ang ilang oras pero hindi rin ito agad na nagamit.

Sa Manuel L . Quezon Elementary School, may hindi hihigit sa sampu na VRVMs na nagkaproblema.

Dahil sa hindi gumagana ang VRVMs, ang ginamit ng mga Board of Election Inspectors ay ang electronic data computerized voters list para sa mano-manong pagberipika sa pagkakilanlan ng mga botante.

Ayon naman sa mga guro, nang kanilang isalang sa testing ang mga VRVMs ay gumana naman ang mga ito ng maayos.

Layon ng VRVMs na maiwasan ang mga flying voters.

Isa itong hardware tablet na may built-in fingerprint scanner at smartcard reader na naglalaman ng registered data ng mga botante gaya ng buong pangalan, larawan, precinct number, at polling place sa bawat clustered precincts.