Full system audit, demand ng kampo ni Marcos

Screen shot 2016-05-17 at 9.46.49 PM
Atty. Jose Amorado

(Eagle News) — Hihingin na ng kampo ni Vice presidential candidate Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na buksan ng Commission on Elections (Comelec) ang network operation center (NOC) nito para sa isang full system audit.

Ayon kay Atty. Jose Amorado, miyembro ng legal team ni Marcos, isasagawa nila ang filing ng demand letter sa Comelec bukas ng hapon para sa pagbubukas ng network nito sa independent information technology (IT) experts upang matiyak kung naapektuhan ba o hindi ng paglalagay ng bagong computer command sa transparency server ng ahensya ang transmission ng vote results.

Dagdag pa ng kampo ni Marcos, posible anilang nakaapekto ang naturang introduction of new computer command sa vote counts at maaaring bahagi diumano ng sabwatan sa pagitan ng Comelec at Liberal Party (LP) para iangat ang bilang ng boto sa mahigpit nitong kalaban sa vice presidential position na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Samantala, matatandaang iginiit ni Comelec Chairman Andres Bautista na  bagaman may binago sa transparency server, ito aniya ay para lamang palitan ang simbolong “?” ng simbolong “ñ” na hindi naman aniya nakaapekto sa transmission of votes.

 

Subalit sa kabila nito, ipinagdiinan pa rin ni Amorado na mapatutunayan lamang na totoo ang sinasabi ng Comelec sakaling maisagawa na ang auditing ng network operations system.