Fadullon, pinapag-inhibit sa kaso ng mga pamilya ng mga sinasabing biktima ng Dengvaxia

Pinapag-inhibit ng mga pamilya ng mga sinasabing biktima ng Dengvaxia si Acting Prosecutor General Richard Fadullon./Moira Encina/Eagle News/

Moira Encina
Eagle News Service

Naghain ng motion to inhibit sa Department of Justice ang ilang magulang ng mga batang namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia laban kay Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.

Pinag-iinhibit ng mga pamilya ng mga sinasabing biktima ng Dengvaxia si Fadullon matapos nitong aprubahan ang inamyendahang kaso sa korte kung saan ginawa na lamang isang count ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kaso ng dalawang batang namatay diumano dahil sa bakuna na sina Aejay Bautista at Jansyn Art Bataan.

Iginiit nila na dalawang magkahiwalay at magkaibang kaso ang pagkamatay ng dalawang bata.

Ayon sa mga complainants, lumalabas na na-prejudge na ni Fadullon ang kaso.

Sa isa namang pulong balitaan, inakusahan din ng mga magulang si Fadullon na minamanipula at pinapahina ang Dengvaxia cases.

Pinaratangan din nila ito na may tinatanggap na bayad ito mula sa mga respondent kahit aminadong wala silang ebidensya.

Kaugnay nito, pinanawagan din ng mga magulang na magbitiw na si Fadullon.

Pinabulaanan naman ni Fadullon ang mga paratang laban sa kanya.

Hinamon din niya ang Public Attorneys Office, na siyang nagrerepresenta sa mga complainant at ang  mga complainant na maglabas ang mga ito ng ebidensya na siya ay sinuhulan.

Iginiit ni Fadullon na wala siyang kinausap o anumang interaksyon sa mga partido sa kaso kahit may pagkakataon minsan na siya ang nagpapanumpa sa mga complainant ng kanilang reklamo alinsunod na rin sa kahilingan ng PAO.

Ang mga pagdinig anya sa mga Dengvaxia cases ay hinahawakan ng magkakaibang panel of prosecutors.

“While I commiserate with the victims for their loss, they should exercise caution and prudence before making baseless accusations,” pahayag ni Fadullon.