De Lima, dumaraan sa matinding problema; pagkakabilanggo, ‘di pa alam ng kaniyang ina

(Eagle News) — Dumadaan umano ngayon sa matinding problema ang nakabilanggong si Senadora Leila De Lima.

Sa isang sulat kamay na pahayag na ipinamahagi sa media, sinabi ni De Lima na hindi alam ng kanyang 84 taong gulang na ina na nakakulong siya sa Philippine National Police-custodial center sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Ang pagkaka-alam umano ng kanyang ina, nasa abroad lamang sya para sa isang official business trip.

Wala na raw maisagot ang kanyang mga kapatid sa paulit-ulit na pagtatanong ng kaniyang ina.

Hanggang ngayon hindi pa raw siya makapag-desisyon kung sasabihin sa ina ang tunay na sitwasyon.

Umaasa naman si De Lima na magdedesisyon ng patas ang Korte Suprema at batay sa kaniyang mga isinumiteng apila at ebidensya.

Nanindigan ang senador na wala syang kinalaman sa umano’y drug trade sa New Bilibid Prison.