Composite sketch ng isa sa mga suspek sa pagpatay kay Beltran, inilabas na ng QCPD

Composite sketch ng isa sa mga suspek sa pagpatay sa kapitana ng Barangay Bagong Silang, Quezon City na si Crisell Beltran./PNP via Mar Gabriel/Eagle News Service/

Mar Gabriel
Eagle News Service

Inilabas na ng Quezon City Police District ang facial composite sketch ng isa sa mga suspek sa pagpatay kay Barangay Bagong Silangan chair Crisell Beltran.

Ayon sa witness, tinatayang nasa 5’4 hangang 5’5 ang taas ito, payat ang pangangatawan at kayumanggi ang balat.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nasa apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang humarang sa sport utility vehicle ni Beltran noong Miyerkules, ika-30 ng Enero, bago siya tuluyang paputukan ng baril.

Patay din ang drayber ni Beltran na kinilalang si Melchor Salita, at sugatan ang ilan pa sa kaniyang kasama sa sasakyan.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng binuong special investigation task group sa krimen.

Mga posibleng motibo

Pangunahing motibo na tinitingnan ang anggulo ng pulitika lalo’t tumatakbo ang kapitana bilang congresswoman sa kanyang distrito.

Sinisilip din ng mga awtoridad ang anggulo ng love life ng kapitana na hiwalay umano sa kanyang asawa

“Well lahat ng anggulo dito tinitignan natin,” pahayag ni Chief Supt. Joselito Esquivel, QCPD director.

Mula naman sa P3 milyon, itinaas na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa P5 milyon ang pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para maaresto ang mga suspek sa pagpatay sa kapitana.

“Para mas mabilis ang pagresolba sa krimen..ang mga witness maari lumapit, hindi matakot at maibigay ang info,” pahayag ni Acting Mayor Joy Belmonte.

Sa isinagawang session ng konseho na nag-aproba sa pagtaas ng pabuya, dumalo ang mga kaibigan, kaanak at mga kasamahan sa trabaho ni Beltran.

Ilan sa kanila ang nagsuot ng itim na ribbon sa braso bilang simbulo ng pakikiramay sa kasamahan sa gobyerno.

Sa gitna ng nangyaring krimen, iminumungkahi ng ilang mababatas na ituring na election hotspot ang Quezon City at isailalim ito sa kontrol ng Commission on Elections.