Rep. Harry Roque, tinanggal bilang miyembro ng Kabayan Party-list

MANILA, Philippines (Eagle News) — Tinanggal na bilang miyembro ng Kabayan Party-list si Rep.  Harry Roque, at dahil hindi na miyembro ng kanilang partido, sinabi ni Kabayan Rep.  Ron Salo na ang natural na implikasyon nito ay wala na umanong karapatan si Roque na katawanin sa Kongreso ang Kabayan Party-list.

Nagsumite na rin aniya ng liham ang Kabayan Party-list sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) para ipabatid ang kanilang naging desisyon.

Nilinaw naman ni Salo na ang pagpapatalsik kay Roque ay hindi lang dahil sa naging paraan ng pagtatanong nito kay Ronnie Dayan nang humarap ito sa imbestigasyon ng Kamara sa drug trade sa New Bilibid Prison.

Maliban dito, sinabi ni Salo na mayroon pang ibang rason kung bakit napagdesisyunan ng Kabayan Party-list si Roque sa kanilang partido, isa na raw dito ang naging asta nito sa isang budget hearing sa pondo ng DPWH gayung naghain siya ng listahan ng mga proyekto at pagharang sa confirmation sa Commission on Appointments kay Health Secretary Pauleen Ubial dahil hindi raw sang-ayon si Roque sa Universal Health Care.

“The Board adopted the Committee Report (dated January 11, 2017), which found Attorney Roque’s behavior, acts, and statements as severely damaging to the Partylist, and recommended the immediate removal of Atty. Roque as member of Kabayan Party-list pursuant to Article VIII of Kabayan Party-list By-Laws, and consequently, from representing Kabayan Party-list in the House of Representatives,” ayon sa press statement ng partido.