150 panauhin lamang para sa Inagurasyon ni Incoming Pres. Duterte

DAVAO CITY (Eagle News) —   Pinal nang ipinahayag ng kampo ni incoming President Rodrigo Duterte ang pagkakaroon niya ng 150 lamang na panauhin na dadalo sa inagurasyon nito ngayong Hunyo 30, 2016.  Si Duterte ang ika-16 na Pangulo ng Bansa.
Ayon kay Presidential Special Assistant Christopher Bong Go, ang desisyon ng President-elect ay magsagawa lamang ng simple at hindi magastos na inagurasyon.  Limitado lamang umano ang lugar kung kaya’t humingi sila ng paumanhin sa mga tagasuporta dahil hindi sila pwedeng makapunta. Kasama sa mga magiging panauhin ay ang mga retiradong heneral at mga diplomat.
Ayon kay Go, ayaw umano ni Duterte na makaabala pa sa mga tao na magkaroon ng napakahabang trapiko sa araw ng kaniyang inagurasyon. Ordinaryong pagkain lang din umano ang ihahanda. Magiging simple lamang ang lahat at magsusuot din si Duterte ng ordinaryong barong Tagalog na gawa lamang sa cotton.
Si Duterte ay manunumpa sa harap ni Supreme Court Associate Justice Bienvenido Reyes sa Rizal Ceremonial Hall sa Malacañang.
Courtesy: Haydee Jipolan – Davao City Correspondent
Photo courtesy of Incoming President Duterte official Facebook Page

99fe3c1f-1a37-42a3-bf2b-00e81e9ee88d

d68d2ac3-7ab0-4ef3-b400-89632f38e6fc