Hinihinalang Abu Sayyaf members, sinalakay ang isang cargo vessel sa Tawi-tawi; 1 patay, 7 dinukot

ZAMBOANGA CITY (Eagle News) — Isa na namang cargo vessel ang inatake ng mga pinaniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf habang tinatawid nito ang karagatan ng Turtle Island Municipality sa Tawi-tawi.

Ayon kay Captain Jo-ann Petinglay, spokesperson ng Armed Forces Western Mindanao Command,  isang mangingisda ang lumapit sa mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team-8 kaugnay sa isang M/V Giang Hai na nagpalutang-lutang sa karagatan. Agad na dinala ng tropa ang naturang barko sa isang pinakamalapit na pantalan para imbistigahan ang nasabing atake.

Napag-alamang ang nasabing cargo vessel ay isang Vietnamese Cargo Vessel.

Base sa testimonya ng isang tripulante na nakausap ng AFP Interpreter, nasa pito sa kanilang mga kasama ang dinala ng mga armadong grupo. Isa naman ang aniya’y nasawi matapos silang paulanan ng mga bala nang hindi pa mga nakikilalang salarin.

Sa kasalukuyan ay naglunsad na ng hot pursuit ang tropa sa Tawi-tawi para matukoy ang grupong responsable sa panibagong atake.

Ang karagatan ng Tawi-tawi ang ginagamit ngayon ng mga kidnap for ransom group para biktimahin ang mga dayuhan at ipatutubos sa kanilang mga amo.

Jun Cronico – EBC Correspondent, Zamboanga City