Tatlong sibilyan patay, isa sugatan sa pamamaril sa Sulu; Abu Sayyaf, hinihinalang nasa likod ng krimen

PANAMAO, Sulu (Eagle News) – Patay ang tatlong sibilyan, at sugatan naman ang isa matapos pagbabarilin sila ng mga miyembro diumano ng Abu Sayyaf sa Sulu.

Kinilala ng Philippine National Police-Sulu ang mga nasawi na sina Manan Hamidi, Al-hapid Hamidi, at Immok Hamjani na kapuwa taga-Talipao.

Ang sugatan naman ay kinilalang si Julasan Abuhasan.

Kagagaling lang sa isang kasalan ang apat sakay ng isang jeep ng paulanan sila ng bala gamit diumano ang isang high-powered firearm sa Barangay Kandayok, Panamao, Sulu.

Hindi malinaw kung naisugod pa sa ospital ang tatlong nasawi, o kung agad silang namatay sa pinangyarihan ng krimen.

Si Abuhasan naman ay dinala sa Sulu Provincial Hospital.

Hinihinala ng pulis na ang grupo ni ASG sub-leader Al Arod ang nasa likod ng pag-atake.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng nalaman ng mga suspek na ang ilan sa mga sibilyan ay mga impormante ng militar.

Tinutugis na ang mga nasabing miyembro ng Abu Sayyaf, na agad nakatakas.

Jun Cronico – EBC Correspondent, Sulu