Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf, sumuko sa militar

Ni Jun Cronico
Eagle News Service

JOLO, Sulu (Eagle News) – Umakyat na sa 57 ang mga miyembro ng Abu Sayyaf ang sumuko sa militar sa Sulu.

Ito ay matapos ibinaba nina Sulu ASG member Kadra Arajun Sawadjaan, Alnajar Sawadjaan, at Sherul Arad ang kanilang mga matataas na kalibre ng armas sa mga tauhan ng marine troopers sa Brgy. Bunot, Indanan, Sulu.

Sinabi ni Major General Cirilito Sobejana, Commander ng Joint Task Force Sulu, na ang tatlong sumuko ay mga tauhan ni Sulu Abu Sayyaf Sub-lider Alhabsy Misaya na namatay sa pakikipaglaban sa mga sundalo sa Brgy. Silangkan, Indanan, Sulu noong Abril 2017.

Isinuko ng tatlo sa Joint Task Force Sulu ang kanilang M-16 rifle, M-79 grenade launcher, kalibre .45, at ilang mga bala.

Agad na isinailalim sa medical examination at custodial debriefing sa ospital ng  Heneral Teodlfo Bautista sa Sulu ang tatlong sumukong Abu Sayyaf bago igawad sa kanila ang mga programa ng gobyerno para sa mga katulad nilang nagbabalik loob sa pamahalaan.