Tatlong hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group huli sa Zamboanga City

ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Tatlong pinaniwalaang tauhan ni Abu Sayyaf sub-lider Alhabshi Misaya ang nadakip sa isang Pension House, bandang 2:00 ng hapon nitong Lunes, October 3 sa Zamboanga City. Tatlong iba pa ang nakatakas subalit ang mga dalang granada, baril, at kasangkapang pampasabog ay nakumpiska.

Agad namang dinala sa Zamboanga Central Police Office ang tatlong naaresto para isailalim sa masusing imbestigasyon. Ang mga kasangkapan pampasabog, granada, at baril ay nakumpiska sa Room 207 ng isang Pension House na hindi naman kalayuan sa Zamboanga City Hall. Kasisimula pa lang din ng isang linggong selebrasyon sa buong lungsod.

Kinilala ang mga suspek na sina;

  1. Jabar Ignohassim Y Sampang, 24 taong gulang, taga-Jolo, Sulu
  2. Abdula Yusok Y Bakil, 26 taong gulang, taga-Talipao, Sulu
  3. Asde De la Cruz, 27 taong gulang, taga-Jolo, Sulu

Sa kasalukuyan ay tinutugis pa ng awtoridad ang tatlo pang nakatakas na mga suspek. Inalerto naman ng opisyal ang buong kapulisan sa lungsod para tiyaking hindi makalayo ang mga ito. Nanawagan din sila na isumbong kaagad sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya ang mga taong kahina-hinala ang kilos na maaaring mapadpad sa kanilang lugar.

Jun Lahayan – EBC Crrespondent, Zamboanga City