Tatlo patay, 1 sugatan sa nangyaring landslide sa Puerto Princesa, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Tatlo ang patay habang isa naman ang sugatan matapos matabunan ang kanilang bahay ng gumuhong lupa at malaking puno sa Palawan nitong Lunes.

Kinilala ang mga nasawi sa landslide sa Barangay Liwanag pasado alas diyes ng gabi na sina Marites Vedor,  at ang mga anak nitong si Ashley, may isang taong gulang, at Mira, may dalawang taong gulang.

Ang padre de pamilya naman ay kritikal ang kalagayan ngayon sa pagamutan.

Dinala na sa evacuation sa Barangay Hall ang mga pamilya ng iba pang nadamay din at nawasak ang bahay dahil sa naganap na landslide.

Pinapayuhan naman ng kinauukulan ang ilan pang residente na lumikas na rin sa mga ligtas na lugar habang inaalam pa ang tunay na naging sanhi ng landslide sa naturang lugar.

Rox Montallana – EBC Correspondent, Puerto Princesa, Palawan