Sulfur upwelling sa Taal Lake, pinangangambahang magdulot ng fish kill

(Eagle News) — Muli na namang nararanasan ngayon sa taal lake ang sulfur upwelling o ang pagtaas ng hydrogen sulfide sa tubig na pinangangambahang magdulot ng fish kill sa 6,000 fish cages sa lawa.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Batangas, ang sulfur upwelling ay isang natural phenomenon kung saan ang malamig na temperatura ng hangin ay nagdudulot ng paglamig ng tubig sa lawa, ang pagbabagong ito ng temperatura ng tubig ay nagsasanhi ng pagakakaroon ng over turn, kung saan ang tubig mula sa ilalim na may kasamang sulfur ay siyang pumaiibabaw.

Pinapababa ng sulfur upwelling ang level ng dissolved oxygen sa tubig na siyang kritikal para sa mga isdang pinaparami sa lawa.

Ang sulfur upwelling ay karaniwang nagdadala ng bluish-green na kulay sa tubig at karaniwan inaasahan tuwing mga buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero.

Ayon ka y Mayor Randy James Amo ng bayan ng Laurel na isa sa munisipalidad na nakakasakop sa Taal Lake, wala pa naman nararanasang pagkamatay ng isda sa kanilang bayan.

Kaugnay nito, pinapaalalahanan ng BFAR Region IV-A ang lahat ng local government units (LGUs) na nakapalibot sa lawa ng Taal na iparating sa mga fish cage operator na paigtingin ang pagmamatyag sa kanilang alagang isda at mag-ani na ng mga malalaking isda (harvestable stocks).

Gayundin, gawin and nararapat na hakbang tulad ng paghahanda ng oxygen tanks, pump at engine sets at paghila ng fishcages sa lugar na hindi apektado ng sulfur upwelling upang maiwasan ang pagkakaroon ng fish mortality o fish kill.

Hanggang sa mga oras na ito, patuloy na nagmamatyag ang opisina ng BFAR Batangas para sa posibilidad na pagkakaroon ng fish kill sa lawa. Patuloy rin ang kanilang pag-monitor sa damage report na manggagaling sa mga opisina ng municipal agriculturists ng mga apektadong bayan. (Eagle News Batangas Bureau Ghadsz Rodelas)