(Eagle News) — Nakatakdang magpadala ng karagdagang puwersa sa Mindanao ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng twin bombings na naganap sa Jolo, Sulu nitong Linggo, Enero 27.
Ito ang kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng naging kautusan nitong pulbusin ang mga teroristang grupo sa lugar partikular na ang Abu Sayyaf group sa kaniyang naging panayam na isinagawa sa headquarters ng Philippine Army’s 11th Infantry Division sa Barangay Bus-bus in Jolo, Sulu nitong Lunes, Enero 28.
Sinabi pa ng commander-in-chief asahan na rin ang mas maraming military offensives para hagilapin at puksain ang mga kalaban ng estado.
Kumbinsido si Pangulong Duterte na Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral dahil ito lang umano ang may malakas na presensiya sa lugar.
Kinumpirma din ng Pangulo na batay sa mga ibinigay na impormasyon sa kanya mula sa Intelligence Community ng gobyerno isang kaso ng suicide bombing ang nangyari sa Jolo.





