Promosyon ng iba pang tourist destination, ipinanawagan sa Senado

(Eagle News) — Hiniling ni Senador Sonny Angara sa gobyerno na i-promote ang iba pang tourist destinations sa bansa lalo na sa mga mahihirap na lugar para mapanatili ang industriya ng turismo sa bansa.

Ayon kay Angara, habang sumasailalim sa rehabilitasyon ang Boracay ay napakarami pang ibang magaganda at world-class destinations sa bansa na dapat nating ipagmalaki.

Isa aniya itong magandang pagkakataon para makilala rin sa international ang iba pang tourist destinations sa bansa na makakapaghikayat sa mga turista na bumisita ng Pilipinas.

Sabi ng senador, maraming iba pang tourist destinations sa Sorsogon, Leyte, Negros Oriental, Zamboanga, Catanduanes at Siquijor na kabilang sa mga mahihirap na lalawigan.

Para maka-attract aniya ng mas maraming turista ay dapat na mag invest ang mga lokal na pamahalan sa turismo at mag-develop ng kinakailangang imprastraktura para mas madaling mabisita ang mga nasabing lugar.