Posibilidad ng biglaang pagputok ng Mt. Mayon, ibinabala ng PHIVOLCS

(Eagle News) — Apat na volcanic earthquakes ang naitala sa paligid ng Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24-oras.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), dalawa rito ay may kaugnayan sa minor phreatic eruptions pero wala pang pinalilikas na mga residente.

Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum ang phreatic eruptions ay “normal” lamang dahil nasa alert level 2 ang bulkan.

Gayunpaman, may posiblidad pa rin na magkaroon ng biglaang pagputok, pagdaloy ng lava, pyroclastic density at ash fall na banta sa mga lugar malapit sa bulkan.

Inirekomenda rin ng PHIVOLCS na bawal pumasok sa six kilometer-radius permanent danger zone at seven kilometer-radius danger zone hanggang Anoling, Camalig hanggang Sta. Misericordia, Sto. Domingo.

Ani Solidum, importante na huwag pumasok sa permanent danger zone ang mga residente.

Hindi rin isinaisantabi ng PHIVOLCS ang posibilidad na magkaroon ng magmatic eruptions dahil namamaga ang ilalim ng bulkang mayon.