PNP Pangasinan, OPVet, mas mahigpit na ipinatutupad ang seguridad vs ASF

Ilang mga baboy mula sa Tarlac na dumaan sa inspeksyon ng PNP sa quarantine checkpoint sa TPLEX Pozorrubio, Pangasinan na nakatakdang i-deliver papuntang Baguio. (Photo courtesy: Pangasinan Police Provincial Office)

 

PANGASINAN (Eagle News) — Mas mahigpit na ipinatutupad ngayon ng Pangasinan PNP at Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) ang seguridad sa mga entry at backdoor checkpoint ng lalawigan matapos na may nakapuslit na isang truck ng mga baboy na kontaminado ng African swine fever mula sa Bulacan kamakailan.

Matatandaan na isang truck na naglalamaan ng mga baboy na nagpositibo sa ASF, mula sa Bustos, Bulacan, ang nakapasok sa bayan ng Mapandan noong Sabado, matapos iwasan ang quarantine checkpoint sa Carmen, Rosales at dumaan sa mga maliliit na barangay road. Ang nasabing mga baboy ay agad na isinailalim sa culling process kasama ang 92 mga baboy na nasa loob ng 1-7-10 kilometer protocol sa Brgy Baloling, Mapandan.

Ayon kay PCol. Redrino Maranan, Provincial Director ng Pangasinan PPO, maliban sa puwersa ng PNP at OPVet, dapat na ring makipagtulungan ang mga force multipliers sa pagbabantay sa mga barangay na posibleng daanan ng mga mapagsamantalang swine traders  upang lalong matiyak na wala nang makapapasok na mga baboy na kontaminado ng ASF sa lalawigan.

Ayon kay Maranan, hindi lang ang mga quarantine checkpoint ang binabantayan ng PNP ngayon, kundi maging ang mga piggery upang tiyakin na hindi ito magsisilbing taguan ng mga baboy na maaaring ipuslit mula sa ibang lugar.

Dagdag pa niya, dapat ay mismong mga swine trader at hog raiser na ang makipagtulungan at maging mapagbantay upang  hindi na kumalat at makahawa pa ang sakit na ito ng mga baboy.

Kabilang sa mga mahigpit na binabantayan ng Pangasinan PPO ay ang entry at backdoors sa Carmen, Rosales; Coliling Guiling sa boundary ng Rosales at San Manuel Tarlac; Diaz Talogtog sa Umingan sa boundary ng Nueva Ecija; boudaries ng Mangatarem-Camiling; Bayambang-Tarlac; Infanta-Sta. Cruz, Zambales; Sison-La Union; San Fabian-La Union; Salvacion, Balungao-Nueva Ecija; TPLEX Urdaneta, TPLEX Binalanon at TPLEX Pozorubio. (Nora Dominguez, Eagle News Service Correspondent)