PNP: Big-time drug pusher, arestado sa Rosales, Pangasinan

Si Domingo Ortega (kaliwa) at ang isang sa mga tauhan ng Rosales PNP habang nagsasagawa ng search warrant sa bahay ni Ortega. /Rosales PNP/
ROSALES, Pangasinan (Eagle News) – Arestado ang isang diumanong big-time drug pusher sa search operation na isinagawa ng Rosales PNP sa Brgy. Coliling, Rosales, Pangasinan nitong Martes, Enero 30.
Inaresto ng mga otoridad si Domingo Ortega, isang negosyante at mula sa Pampanga na kasalukuyang nanunuluyan sa Rosales, Pangasinan, nang makitaan ang kaniyang bahay ng isang magazine ng caliber .45, posas, bag na may box na may lamang 24 na piraso ng bala ng caliber .22, isang box na mayroong 50 pirasong bala ng caliber .22 at isang box ng caliber .45, isang sling bag na may caliber 9 mm pistol na mayroong magazine na may anim na live ammunition, isang caliber 9 mm na magazine na may 7 live ammunition, at isang caliber 9mm magazine na may 9 live ammunition.
Nakuha rin ang isang black pouch na may 18 sachet ng hinihinalang shabu, 4 na sachet na hinihinalang may latak pa ng shabu, mga drug parapehernalia at isang hand grenade, 4 na nagupit na aluminum foil, 2 gunting, isang weighing scale, 31 na live ammunition ng caliber 9 mm, isang fire cartridge shell ng caliber 9 mm, isang sling bag na may P-138.00, isang bundle ng pera na umaabot sa P59,000, orange pouch na may mga coins na nagkakahalaga ng Php 208.50, dalawang deposit slip at tatlong LBC remittance.
Ayon sa pulisya, sinabi ng suspek na sa Pampanga at Tarlac ang kaniyang transaksyon sa droga at nagpapalamig lang daw ito sa Pangasinan.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek ukol sa operasyon.

Kasalukuyan itong nakakulong sa PNP Rosales para sa patuloy na imbestigasyon. Nahaharap din ito sa kasong RA 10591, RA 9651 at RA 9615. Juvy Barraca, Eagle News Service