7 bayan sa Zamboanga del Sur, isinailalim na sa state of calamity dahil sa pagbaha bunsod ng bagyong Vinta

Bahagi ng tulay na naputol dahil sa pananalasa ng bagyong Vinta (Photo courtesy: PDRRMO-Zamboanga del Sur)

Ni Ferdinand C. Libor Jr.
Eagle News Service

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Isinailalim na sa state of calamity ang pitong bayan sa Zamboanga del Sur dahil sa matinding pinsala ng pagbaha dulot ng bagyong Vinta.

Mismongsi Vicente Cajeta, officer-in-charge  ng Zamboanga del Sur, ang nagdeklara ng state of calamity sa  Tambulig, Molave, Mahayag, Ramon Magsaysay, Dumingag, Tukuran, at Kumalarang sa isinagawang espesyal na pagpupulong sa Sangguniang Panlalawigan.

Pinakamatinding napinsala ng baha ang sektor sa agrikultura na aabot sa tinatayang Php 146,000,000 na katumbas ng mahigit na siyam na libong ektaryang palayan at palaisdaan.

Sa imprastraktura naman ay tinatayang aabot sa Php 60 milyon ang halaga ng pinsala.

Anim na libo naman na pamilya ang napilitang lumikas sa kani-kanilang tahanan.

Winasak din ng tubig baha ang flood control system sa Molave at Tambulig maging ang kanilang mga kalsada.

Winasak din ng bagyo ang tulay ng Salug Daku Bridge na nagdurugtong sa Mahayag at Dumingag.

Maging ang New Basak Bridge ay nawasak din ng bagyo ay hindi pa madaanan hanggang sa ngayon.

Ayon naman kay Cajeta, aabot na sa P90 milyon ang kanilang inilaan para sa calamity fund sa lugar.