Pinsala ng bagyong Ompong sa Baggao, Cagayan

(Eagle News) — Matinding pinsala ang naranasan ng mga mamamayan lalo na ng mga magsasaka sa bayan ng Baggao sa lalawigan ng Cagayan.

Matatandaang sa Baggao ang sentro kung saan tumama ang mata ng bagyong Ompong.
Inararo ng malakas na hangin ang hekta-hektaryang pananim na mga mais. Hindi na ito gaanong pakikinabangan ng mga magsasaka dahil sa naging pinsala.

Nasira din ang maraming kabahayan sa bayang ito. Nagliparan ang mga bubong ng ilang mga bahay at ang iba’y nadaganan pa ng nabuwal ng mga puno.

Hanggang ngayon ay wala pa rin suplay ng kuryente sa bayan ng Baggao dahil maraming poste ang nasira subalit sinisikap naman ng Cagelco na maisaayos ito kaagad. Wala pang katiyakan kung hanggang kailan ang itatagal ng pagsasaayos sa kuryente sa bayan ng Baggao.

Naghambalang naman sa daan ang mga poste na nabuwal dulot ng bagyong Ompong.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa hagupit ng bagyong Ompong ang opisina ng DENR at ang mababang paaralan sa Baybayog, bayan ng Alcala.

Maging ang ilang gasolinahan ay napinsala rin na nagdulot ng kakulangan ng suplay ng langis sa Baybayog.

(Eagle News Correspondent Arnel Ramos)