Pekeng PDEA agent, arestado

Ang suspect na si Lorenzo Narbolita na nagpanggap bilang PDEA agent. /Aser Bulanadi/Eagle News Service/

TARLAC CITY, Tarlac (Eagle News) – Arestado ang isang 42 anyos na lalaki na nagpanggap na miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Naaresto ng mga tunay na ahente ng PDEA ang suspek sa ikinasang buy-bust operation sa may kanto ng Mc Arthur highway at Lazatin Subd., Tarlac City kamakailan.

Ayon kay Tarlac PDEA Provincial officer Marie Fe V. Manto, ang suspect ay si Lorenzo Narbolita, taga-Brgy. Mapalaciao, Tarlac City.

Matagal na umanong nasa PDEA target list ang suspek.

Modus operandi umano ng suspek na magpanggap bilang isang PDEA agent o kaya naman ay gagamit ng mga pangalan ng mga tunay na PDEA agent para makapang-extort ng ilegal na droga sa mga inaakala niyang mga tao na may kinalaman sa kalakalang ito.

Kapag nakakumpiska na siya ng ilegal na droga ay ide-deliver niya ito sa kaniyang mga customer.

Nakumpiska kay Narbolita ang dalawang plastic sachet ng shabu, marked money at motorsiklong walang plaka.

Kinasuhan na ang suspeck dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o R.A. 9165.

Nakakulong ngayon si Narbolita sa lock-up cell ng PDEA Regional Office 3 sa Pampanga.

 

(Eagle News Correspondent, Aser Bulanadi  at Godofredo Santiago)