Pagmimina sa Aroroy, Masbate, nais ipatigil ng mga residente

(Eagle News) — Nais ipatigil ng mga residente ng Aroroy, Masbate ang isang malaking minahan na kanilang inirereklamo dahil sa hindi magandang pamamalakad nito at halos nasa 50-100 meters na ang lapit nito sa mga komunidad.

Kaya ilang mga residente na ang nakakaranas ng gutom, iba’t-ibang sakit at kawalan ng suplay ng tubig dahil kontaminado na ito ng mga kemikal.

Una rito, inihayag ni Department of Environment and Natural Resources Sec. Roy Cimatu ang pagnanais nyang ipatigil na ang small scale mining sa bansa at maging ang pagmonitor sa mga minahan.

Ang ikinakatakot umano ng mga residente ay ang malakas na lindol dahil ang naturang bayan ay nasa fault line na maaring lumubog sakaling magpatuloy pa ang isinasagawang pagmimina.

Nakailang sulat na rin anya sila sa Office of the President at wala pa ring natatanggap na tugon o aksyon mula sa concerned government agencies.

Sa harap nito, nakatakdang magsagawa ng health impact assessment ang Department of Health sa mga residenteng tinamaan ng polusyon sa pagmimina.