Pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Zamboanga del Sur, sinalakay ng mga awtoridad




Ni Ferdinand Libor
Eagle News Service correspondent

ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines (Eagle News) – Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Region 9, Bureau of Custom Region 9, Bureau of Internal Revenue at Philippine National Police ang isang pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Barangay Don Jose, bayan ng Dinas, probinsiya ng Zamboanga del Sur.

Sa pagsalakay ng mga awtoridad, tumambad sa kanila ang mga kagamitang panangkap ng pekeng sigarilyo.

Kabilang sa tumambad sa kanila ang pekeng BIR stamps, bar codes at mga makina na ginamit sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo.

Ayon kay Atty. Moises Tamayo, Regional Director ng NBI Region 9, kayang gumawa ang nasabing pabrika ng 50,000 packs ng pekeng sigarilyo kada araw.

Dagdag ni Tamayo, tinatayang nasa P60 million kada buwan ang nawawala sa gobyerno dahil sa pamemeke ng nasabing pagawaan.

Malawakan at laganap umano ang bagsakan ng nasabing pagawaan.

Aniya, mahaharap sa patung-patong na kaso ang may-ari ng nasabing pabrika.

Sa ngayon patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang nagmamay-ari ng pabrika habang nagpapatuloy rin ang inventory sa mga nakumpiska sa pabrika.