Lalaki minasaker ang kaniyang asawa at 2 anak sa San Andres, Romblon

Photo courtesy: Paul Jaysent Fos

Ni Renand Pastor
Eagle News Correspondent

SAN ANDRES, Romblon (Eagle News) – Pinagtataga ng isang ama hanggang sa mamatay ang sariling asawa at mga anak nito sa Brgy. Calunacon, San Andres, Romblon umaga ng Martes, Marso 6.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagawa aniya ng suspek ang nasabing krimen dahil sa kalasingan nito.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Erwin James Falceso, 5 taong gulang, Emilyn Falceso, 9 na taong gulang at ang asawa nitong si Mylene Talangan, 31 taong gulang.

Ayon sa salaysay ng kapitbahay ng mga biktima, lagi umanong nag-aaway ang mag-asawa lalo na kapag lasing na umuuwi ang suspek.

At nitong Martes ay muli na naman umanong nag-away ang mag-asawa kaya hindi nila kaagad na nilapitan.  Ngunit ng sumigaw na si Mylene, tska sumilip sa bintana ang isa nilang kapitbahay. Dito ay nakita nitong duguan ang isa sa mga bata kaya agad umano silang tumawag ng barangay kagawad at pulis.

Subalit pagdating ng owtoridad sa lugar ay agad silang sinugod ng suspek na armado ng bolo kaya pinaputukan na ito ng pulis gamit ang M16 rifle.

Tinamaan ang suspek sa kaliwang bahagi ng kanyang sikmura at isinugod pa sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.

Kinilala ang suspek na si Michael Falceso, 33 taong gulang, residente ng nasabing barangay.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ang isinisigawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing massacre. (Eagle News Service)