P129M shabu, nakumpiska sa Clark Int’l Airport

(Eagle News) — Aabot sa 19 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit 129 milyong piso ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Clark International Airport.

Ang mga shabu, naka-repack ng tig-250 grams at itinago sa loob ng mga lata ng tomato sauce na nakalagay sa kahon.

Matapos madiskubre ang modus, agad na ikinasa ng PDEA ang controlled delivery operations.

Isa-isa nilang inihatid ang mga package sa address ng mga nakalagay na consignee.

Dito nila naaresto ang mag-inang Judy Ann at Edna Valenzuela na taga-Navotas City.

Hindi naman kinuha ng iba pang consignee sa Navotas, Quezon City at San Jose, Bulacan ang iba pang package.

Kush at ecstasy

Bukod sa shabu, kasamang nasabat ng PDEA ang 200 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng P340,000 at tatlong kilo ng kush o high grade marijuana na nagkakahalaga ng halos P4 milyon.

Posible raw na ang Mexican Sinaloa drug syndicate ang nasa likod ng pagpapadala ng naturang mga kontrabando sa bansa.

Dahil dito, mas hihigpitan pa daw ng PDEA at Bureau of Customs ang pagbabantay sa kanilang X-ray machines.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PDEA sa US Drug Enforcement Agency upang paigtingin ang pagmominitor sa mga package na ipinapadala sa bansa. (Mar Gabriel, Eagle News Service)