P100,000 reward money, inialok sa makapagtuturo sa mga suspek sa nangyaring Bulacan massacre

SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan (Eagle News) – Nag-alok ng PHP100,000 pabuya si San Jose Del Monte, Bulacan Mayor Arthur Robes sa makapagtuturo sa suspek o mga suspek sa naganap na massacre sa limang miyembro ng isang pamilya sa Barangay Sto. Cristo, Bulacan.

Ayon kay San Jose Del Monte Rep. Rida Robes, ang nasabing halaga ay ipagkakaloob sa sinomang makapagtuturo sa mga salarin upang mabilis na maresolba ang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ilang persons of interest na ang isinailalim sa pagtatanong pero wala pang naaarestong suspek.

Ayon kay Police Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte Police, malaki ang posibilidad na bangag sa ipinagbabawal na gamot ang gumawa ng krimen.

Mayroon umanong nakakita sa dalawang lalaki na nagmamasid sa bahay ng mga biktima ilang araw bago maganap ang massacre.

Tiniyak naman ni Macariola na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng pamilya.

Samantala, plano ng padre de pamilya na si Dexter Carlos na iuwi sa Cagayan ang mga labi upang doon na lamang ito iburol.

Leonardo Bautista – Eagle News Correspondent