Number 1 most wanted person sa Zamboanga del Sur, patay matapos manlaban sa mga pulis

Ang suspek na si Salik Abdulkarim Samin o mas kilala sa pangalang “Kumander Karding”. (Photo courtesy: Regional Special Operation Group (RSOG)

Ni Ferdinand C. Libor, Jr.
Eagle News Correspondent

DINAS, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Patay ang itunuturing na number one most wanted person sa Zamboanga del Sur na may patung-patong na kaso matapos manlaban sa mga pulis sa Sitio Matab-ang, Barangay Benuatan, Dinas, Zamboanga del Sur nitong Miyerkules, Pebrero 7 bandang 10:00 ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Salik Abdulkarim Samin o mas kilala sa pangalang “Kumander Karding” na may kasong multiple murder with double frustrated murder, attempted murder, illegal possession of firearms and ammunition at direct assault.

Ayon kay Police Senior Inspector Felixberto Rule, hepe ng Dinas-PNP, sa bisa ng warrant of arrest ay agad silang nagkasa ng pinagsanib-puwersang operasyon matapos magpositibo ang target.

Pagdating nila sa lugar, nagmamadaling tumakas ang suspek sakay ng isang bangkang de motor at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang suspek sa mga otoridad. Napatay ang suspek na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Habang ang isang kasama pa nito ay nakipagpalitan ng putok sa mga otoridad ng halos labin limang minuto na agad naman tumakas sa hindi pa matukoy na lugar.

Dagdag ni Rule na maliban sa number one most wanted sa Zamboanga del Sur, ang suspek ay top 3 most wanted rin sa buong Zamboanga Peninsula Region.

Ikinatuwa naman ng alkalde ng bayan ang pagkamatay ni Kumander Karding dahil naging sakit aniya ito sa ulo sa kanilang lugar.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang hot pursuit operation ng pulisya laban sa tumakas na kasama nitong suspek. (Eagle News Service)