‘No sail zone’ ipinatutupad sa Manila Bay para sa ASEAN 50th anniversary

(Eagle News) — Ipinatupad na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang no-sail zone sa paligid ng Manila Bay para sa pagdaraos ng ASEAN 50.

Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, simula ngayong araw, Agosto 7, ay bawal na ang pagdaong at paglalayag simula sa himpilan ng PCG sa South Harbor hanggang sa bahagi ng Okada Hotel.

Tatagal ang no-sail zone sa Manila Bay hanggang bukas, huling araw ng ASEAN.

Samantala, idineploy na ng PCG ang BRP Malapascua, mga patrol craft at rubber boats lulan ang special operations group, medical team at coast guard auxiliary.