Narecover na bangkay sa nangyaring landslide sa Tiwi, Albay umakyat na sa 15; retrieval operations pahirapan pa rin

(Eagle News) – Pahirapan pa rin sa mga owtoridad an pagsasagawa ng retrieval operations sa Tiwi, Albay matapos manalasa doon ang bagyong Usman.

Ito ay dahil sa mga nakahambalang na natumbang mga puno, nahulog na mga malalaking tipak ng bato at nagkalat na mga putik sa mga kalsada sa bayan.

Ayon sa mga rescuer, 15 bangkay na ang nakuha ng mga otoridad, habang anim na iba pa ang patuloy na hinahanap.

Tatlo sa naturang bilang ay mula sa Barangay Balais.

Nasira rin ng bagyong Usman ang bahagi ng Tiwi-Camarines Sur Road dahil sa pagbahang idinulot ng walang patid na pag-ulan.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang lugar upang malaman kung aling bahagi ng Tiwi ang hindi na maaari pang tirhan.