Napabayaang siga, nagdulot ng grass fire sa Olongapo City

OLONGAPO CITY, Zambales (Eagle News) – Isang grass fire ang nangyari sa Purok 4 Silahis Street, Brgy. New Cabalan, Olongapo City, Zambales noong Martes, April 17 bandang 11:10 ng tangahali.

Agad namang rumesponde ang Barangay New Cabalan Fire and Rescue kasama ang Olongapo Fire and Rescue ng makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen. Subalit ng makarating sila sa lugar ay hindi na anila kayang apulahin ang apoy dahil malaki na ito at bundok pa ang nasabing lugar.

Hinayaan na lamang nila ang apoy hanggang sa maubos ang nasusunog na damo subalit nakaantabay naman ang mga awtoridad hanggang sa ang apoy ay namatay.

Ayon sa imbestigasyon ng awtoridad, napabayaang siga ang dahilan ng nangyaring grass fire. Wala namang umaming residente sa nangyaring insidente.

Kenneth Japona – EBC Correspondent, Olongapo City, Zambales