Naaksidenteng Vietnamese fisherman na inoperahan ng military doctors, sinundo na para makauwi sa pamilya




Ni Ely Dumaboc
Eagle News Service Zamboanga City correspondent

ZAMBOANGA CITY, Philippines (Eagle News) — Masayang-masaya ang 31-anyos na Vietnamese fisherman na si Dang Canh nang makita ang kaniyang kababayan na si Huynh Kanh sa loob mismo ng Camp Navarro General Hospital sa kampo ng Armed Forces Western Mindanao command o Westmincom Upper Calarian Zamboanga City.

Si Huynh Kanh ang malapit na kaibigan ng employer o amo ni Dang Canh sa isang Vietnamese fishing company mula sa Vietnam na nagnanais tumulong sa naaksidenting kababayan na ginagamot at tinulungan ng mga sundalong Pilipino.

Na-confine si Dang Canh matapos maaksidente habang nangisda sa karagatan malapit sa boundary ng Pilipinas at Malaysia.

Sinabi po ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, WestMinCom commander, na walang dalang pasaporte o kahit na anumang travel documents si Dang Canh nang matagpuang nangingisda sa karagatang malapit sa boundary ng Pilipinas.

“Wala siyang papeles except for the ID,” ayon kay Sobejana sa interview ng Eagle News Service.

Sa aksidente sa pangingisda ay nabalian ng buto si Canh sa braso at binti. kaya’t tinulungan siya ng pamahalaang bayan ng Turtle Island sa Tawi-Tawi.

Dahil kulang sa medical equipment sa nasabing isla, nagpasya si Lt Gen. Sobejana na magpadala ng helicopter sa isla para madala sa military hospital dito sa Zamboanga City.

Sa tulong ng mga ekspertong doctor ng Armed Forces of the Philippines (AFP), naging matagumpay ang operasyon sa Vietnamese fisherman.

Inayos naman ni Huynh Kanh ang lahat ng babayarin sa ospital para makauwi na ang kababayan.

Nagpasalamat rin si Kanh kay Westmincom commander Lt Gen. Sobejana sa tulong na ipinagkaloob ng AFP sa kanyang kababayan. Bukas ay inaasahang bibiyahe na si Canh sa Maynila bago lumipad pauwi ng Vietnam.