Mt. Magarwak, patok na hiking spot sa Puerto Princesa

(Eagle News) — Isa sa patok na hiking spot na talaga namang dinarayo ng mga mahilig sa hiking adventure beginner man o professional hiker na ay ang Mt. Magarwak na matatagpuan sa Brgy. Bacungan sa lungsod ng Puerto Princesa.

Mula sa sentro ng siyudad ay 30 hanggang 40 minuto ang biyahe bago marating ang paanan ng bundok kung saan 15 kilometro mula sa bayan patungong norte ng lungsod ang layo nito.

Ang bundok ng Magarwak ay mainam para sa mga ang nais ay maging physically fit gayundin sa mga gustong masilayan ang ganda ng pagbubukang-liwayway.

Kung kaya naman para sa mga nais na makita ang sunrise ay kinakailangan alas singko pa lamang ng umaga (5:00 AM) ay simulan na ang pag-akyat sapagkat maaaring umabot sa 40 minuto hanggang isang oras bago marating ang tuktok ng kabundukan depende sa bilis ng pag-akyat.

Kinakailangan ding magdala ng ilaw o flashlight sa pag-akyat upang masundan ang trail sa tuktok ng bundok at hindi maligaw. Mahalaga din ang angkop na kasuotan sa pag-akyat para maging kumportable sa paglalakad.

Ang Mt. Magarwak ay dinarayo di lamang ng mga kabataan kundi maging ng mga young at heart na kaya pang makipagsabayan sa pag-akyat ng bundok kung saan sa tuktok nito ay makikita ang zigzag na daanan patungo sa mga susunod na bayan at higit sa lahat ay ang isang magandang tanawin tulad ng mga isla sa Honda Bay at gayon din ang Bacungan River.

Perfect spot din ang lugar para sa mga mahilig mag- selfie habang nagsisilbing background ang luntiang tanawin sa paligid. Pagpawisan man ng todo at maghabol ng hininga dahil sa pagod sa pag-akyat ay sulit naman dahil tiyak na babaha ang mga larawang bibida sa mga Facebook at Instagram.

Ang Mt. Magarwak ay isa ngayong dinarayong hiking spot dahil sa bukod sa wala itong entrance ay mae-enjoy mo pa ang ganda ng kalikasan at katahimikan na tanging mga huni ng ibon lamang ang maririnig angkop para sa mga gustong magtime-out mula sa maingay na kapaligiran sa siyudad.

Ang Mt. Magarwak ay isa lamang sa alternatibong atraksyon sa lungsod ng Puerto Princesa para sa mga off-road traveler at ang nais ay mountain trekking. Nananatili naman ang mayamang biodiversity nito dahil dito ay matatagpuan ang iba’t-ibang uri ng ibon na naninirahan.

Samantala, pinaaalalahanan naman ang mga hikers na bagamat nasa kabundukan ay patuloy na maging disiplinado sa paraang huwag mag-iiwan ng mga basura mula sa mga baon nila.

Gayundin ay tiyak naman ang seguridad at kaligtasan ng mga umaakyat dito sapagkat sa di kalayuan sa paanan ng bundok ay may nakatalagang bantay-gubat monitoring station.