Mga nurse at staff sa Libmanan, Camarines Sur, nakabisekleta sa pagpasok sa trabaho




 

Ni Mikhe Gravito
Eagle News Service

(Eagle News) – Bagama’t isang hamon ang matinding sikat ng araw sa pagpasok sa kanilang trabaho araw-araw sa ospital sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur, masusing sinusunod ng mga nurse at staff ng rural health unit sa nasabing bayan ang panawagan ng pamahalaan kaugnay ng social distancing at ang pagbabawal ng angkas sa motorsiklo. Dahil dito ay matiyagang nagbibisikleta papasok sa kanilang trabaho ang mga itinuturing na mga bagong bayani na mga frontliners, upang makapag-serbisyo sa kanilang mga kababayan.

Simula ng ipagbawal ng pamahalaan ang pagkakaroon ng angkas sa motorsiklo dahil sa social distancing, ay araw-araw nang tinitiis ng mga naturang frontliners ang sikat ng araw upang pumasok sa kanilang mga trabaho.  Dahil dito ay umani sila ng mga papuri mula sa komunidad na kanilang pinagsisilbihan at inspirasyon naman sa iba pang frontliners katulad ng mga pulis sa checkpoints na kanilang dinadaanan araw-araw.

Siniguro naman ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan na hindi lamang paghanga ang kanilang ibibigay sa mga nurse at staff sa kanilang bayan kundi ang tulong na rin para sa kanila at sa kanilang mga pamilya.