Mga miyembro ng SCAN International, sumailalim sa Emergency First Responders’ Training

(Eagle News) — Sumabak sa Emergency First Responders’ Training ang mga miyembro ng Society of Communicators And Networkers (SCAN) International na isinagawa sa Cabanbangan, Sta. Cruz Laguna.

Layon nito na maging handa ang mga miyembro ng SCAN sa pagtulong sa mga taong nangangailangan sa panahon ng emergencies o mga ‘di inaasahang pangyayari gaya ng mga sakuna at kalamidad.

Kabilang sa tatlong araw na pagsasanay ang first aid lectures, demonstrations and return demonstrations, basic life support and emergency cases at mass casualty incidence simulations.

Ang pagsasanay ay pinangunahan nina Cesar Garcia at Maria Ivy Advento  na pawang mga trainor para sa basic first responder ng  SCAN.

Anila, malaki ang ginagampanang tungkulin ng mga emergency first responder para sa mga nangangailangan ng tulong.

Nagpasalamat naman ang Sta. Cruz Laguna INC District Minister na si Brother Rio Castillo sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC, ang Kapatid na Eduardo V.  Manalo sa paglulunsad ng ganitong  mga aktibidad na makatutulong sa tao, maging kaanib man ng Iglesia Ni Cristo o hindi.

Aniya, malaking tulong lalo na sa panahong ito na sunod-sunod ang iba’t-ibang kaganapan na nagyayari sa ating paligid tulad ng mga paglindol, pagputok ng bulkan, bagyo, baha at mga aksidente.

Ayon naman Christian Family Organization (CFO) overseer na si Brother Michael Manalili, maraming natutuhan ang mga lumahok sa nasabing training-seminar na totoong mapapakinabangan sa panahon ng emergencies.

Matapos ang tatlong araw nang matinding pagsasanay, pinagkalooban ng sertipiko ang mga kalahok na kinilala bilang SCAN Emergency First Responders.