Mga magsasaka sa Ilagan City, Isabela, tumanggap ng farm inputs, cash assistance

Aktuwal na pamamahagi ng 50 sako ng binhi ng mais at abono, at cash assistance ng pamahalaang lungsod ng Ilagan, sa Isabela, sa mga magsasaka sa Brgy. Sindon Bayabo. (Photo by Erwin Temperante)

by Erwin Temperante
Eagle News Service

ILAGAN CITY, Isabela (Eagle News) – Limampung sako ng binhi ng mais ang ipinamahagi kahapon ng pamahalaang lungsod ng Ilagan sa mga magsasaka sa Brgy. Sindon Bayabo, isa sa pinakaliblib na barangay na sakop ng lungsod.

Tangi sa mga binhi ng mais, ipinamahagi rin sa mga magsasaka ang limampung sako ng abono at  P6,000 cash assitance para sa bawat ektarya na pagtataniman nila ng mais.

Ayon sa mga lokal na opisyal, humingi ng tulong ang LGU Ilagan sa regional office ng Department of Agriculture upang maisakatuparan ang programang ito para sa mga magsasaka.

Taun-taon ay tone-toneladang mais ang inaani sa mga sakahang sakop ng lungsod ng Ilagan kaya  ito ay kinikilala ng agriculture department na corn capital ng bansa. Kaya naman walang humpay ang city government sa pagtulong sa mga magsasaka na ang ikinabubuhay ay pagtatanim ng mais.

“Malakimg tulong po ito sa buhay namin kapag naani namin ito mayroon kaming pandagdag sa buhay namin… sa pangangailangan ng mga bata sa sa pag-aaral,” pahayag ni Aling Conception, isa sa mga magsasakang  tumanggap ng tulong.

Aniya, totoong napakahirap lalo na kung walang maitanim sa kanilang sinasakang lupa. Kaya naman abut-abot ang kaniyang pasasalamat sa pamahalaang lungsod ng Ilagan dahil sa tinanggap na tulong.

Hindi na mahihirapan sa pagbebenta ng aanihing mais ang mga magsasaka dahil ayon sa lokal na pamunuan, ang  LGU Ilagan mismo ang bibili nito sa ilalim ng city coperative upang agad na matulungang kumita ang mga magsasaka.