SAN MANUEL, Pangasinan (Eagle News) — Hindi natinag ng malakas na ulan ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa Distrito ng Pangasinan East sa isinagawang Tree Planting sa Sitio Bomboaya, San Bonifacio, sa Bayan ng San Manuel, Pangasinan. Tinatayang nasa 7,000 seedlings ang naitanim ng mga kaanib na nagmula pa sa iba’t-ibang lugar ng nasabing lalawigan.
Bago tumungo sa dakong pagtataniman ay nagtipun-tipon muna sila sa lokal ng San Manuel upang ipinaliwanag ang maayos na pagtatanim. Maputik at malubak man ang daanan hindi pa rin ito naging hadlang sa mga kaanib. Lalo silang naging sabik na maglakbay patungo sa dakong pagtataniman.
Pinangunahan ng district supervising minister ng nasabing distrito na si Kapatid na Nelson Mañebog ang naturang aktibidad.
Ang ilan sa mga nakipagkaisa sa nasabing aktibidad ay ang magkapatid na Samuel Pesalvo, 76 taong gulang at Santi Pesalvo, 72 taong gulang. Ayon sa magkapatid, natutuwa anila sila na makiisa sa ganitong mga aktibidad at nagbibigay saya sa kanila ang makita ang maraming kaanib sa INC.
Ang buong pamilya naman ni Bro. Felinon Pacris, destinado sa lokal ng San Quintin ang umakyat ng bundok upang makiisa sa pagtatanim. Sa kabuuan ay naging matagumpay ang isinagawang aktibidad.
Courtesy: Jericho Jade Madolid – San Manuel, Pangasinan Correspondent