Mga bidder para sa Marawi rehabilitation, iaanunsyo sa kalagitnaan ng Enero

(Eagle News) — Nakatakdang i-anunsyo ng gobyerno sa Enero 15 ang mga bidder na nagsumite ng unsolicited proposals para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang kinakailangang pondo para sa rehabilitasyon ng nasabing lungsod ay isinasapinal pa lamang.

Pero napagdesisyunan aniya na buksan ang financing sa pakikilahok ng pribadong sektor.
Paliwanag ng kalihim, bukas ito para sa tinatawag na Swiss challenge.

Ang Swiss challenge ay isang proseso kung saan ang bid ng isang grupo ay maaaring hamunin ng iba pang grupo.

At ang pag-a-award sa mananalo ay nakadepende sa kung sino ang makapagsusumite ng pinaka-magandang proposal batay sa requirements na kinakailangan.

Una nang sinabi ng Malacañang na nangangailangan ng Php 50 bilyon  para sa rehabilitasyon ng Marawi City na napinsala dahil sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng IS-inspired group na Maute at gobyerno.

Sa assessment ng mga otoridad, umabot sa Php 18.21 bilyon  ang halaga ng pinsala sa nasabing lunsod.

Nakapaglaan na rin ang gobyerno ng inisyal na Php 10 bilyon  para sa rehabilitasyon na kinuha sa available funds mula sa 2017 national budget.

https://youtu.be/TWmPh492z_8