Mga apektado ng tubig baha sa Ilagan, Isabela nag-evacuate na

(Eagle News) — Dahil sa tuloy-tuloy na pagpapakawala ng tubig sa Magat dam ay nararanasan na dito sa lungsod ng Ilagan, Isabela ang pagbaha sa ilang lugar. Ilang ilog na din ang nag-over-flow at pansamantalang hindi na madaanan.

Sa barangay Bagumbayan, Sta. Barbara at Guinatan ay lumikas na ang mga nakatira sa apektadong lugar at umapaw na ang tubig baha sa mga bukid at hanggang sa gilid ng main road sa centro ng Ilagan.

Ang mga lumikas ay nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center.

Sa mga nagdaang oras, patuloy na nagpapakawala ng tubig ang Magat dam mula sa apat na gates nito na binuksan. Lampas na rin sa reservoir level ng dam ang dami ng tubig kaya patuloy na pinapakawalan ito sa ilog.

Sa ipinalabas na advisory ng Magat Dam nitong alas 5:00 ng umaga ay nagpapakawala sila ng tubig ng 3,130 kubiko kada segundo. Ang reservoir level ng dam ay tumaas pa at umabot na sa 193.09 meters. Ang maintaining reservoir level ng dam ay nasa 189 meters.

Samantala, ang local government ng Ilagan ay namamahagi ngayon ng mga cooked food para sa mga evacuees.
Eagle News Isabela Bureau Ricky Laggui