Maraming taga-Marawi, ‘di pa nakakabalik sa lungsod

(Eagle News) — Isang taon na ang lumipas mula nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang Marawi City sa teroristang Maute-ISIS na lumusob sa lungsod.

Pero libu-libong pamilya pa rin na apektado ng limang buwang bakbakan ang hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang mga tahanan.

Noong Nobyembre 2017, 77,170 na pamilya ang naitalang nawalan ng tahanan dahil sa bakbakan.

At batay sa datos mula sa Task Force Bangon Marawi mula nitong Septyembre 2018, mula sa kabuuang bilang na 11,949 na pamilya ang nananatili pa ring internally displaced.

Karamihan sa mga nasabing pamilya ay nakikitira muna sa kanilang mga kamag-anak habang nasa walungdaan at labin-walong pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation at itinuring na nila itong tahanan.

Mula naman sa 2,650 na transitional shelters na target na maipatayo ng gobyerno pagsapit ng 2018.
1,552 lamang o katumbas ng 57 percent ang nakumpleto at na-i-turn over sa mga pamilyang nawalan ng tahanan.

Bakas ng bakbakan sa Marawi City, kita pa rin

Kitang-kita pa rin ang bakas nang nangyaring bakbakan sa Marawi City, bagamat isang taon na ang nakalilipas magmula nang ito ay mangyari.

Groundbreaking para sa muling pagtatayo ng Marawi, muling naantala

Muli na namang naantala ang groundbreaking para sa muling pagtatayo ng pinaka-apektadong lugar sa Marawi City.

Orihinal na itinakda ang groundbreaking noong Hunyo pero ilang beses na itong ipinagpapaliban dahil sa patuloy na pagkaantala sa pagpili ng private developer para sa proyekto.

Sabi ni Lanao Del Sur 1st District Assemblyman Zia Alonto Adiong, sa huling linggo ng Oktubre ang bagong schedule ng groundbreaking.

Nitong Miyerkules, Oktubre 18 dapat ito isasagawa ngunit hindi makadadalo ang pangulo kung kaya muli itong pinagpaliban. (Eagle News Service Aily Millo)

https://youtu.be/sixaI9c-Z3I