Mall sa Balanga, Bataan, kasalukuyan pa ring nasusunog

Ni Josie Martinez
Eagle News Service

BALANGA CITY, Bataan (Eagle News) – Kasalukuyan pa ring nasusunog ang Galleria Victoria Mall sa Balanga City, Bataan na nagsimula pa nitong Martes, Mayo 1, pasado alas 9 ng umaga.

Sa kasalukuyan ay may makapal na usok pa rin ang lumalabas sa ikalawa hanggang ikaapat na palapag ng istruktura.

Simula pa kahapon ay nagtulong-tulong na ang mga taga-Bureau of Fire Protection (BFP) sa buong lalawigan maging ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ay tumulong na rin sa pagresponde upang maapula ang sunog.

Sa ngayon ay nahihiripan ang mga bumbero na pumasok sa loob ng building dahil sa kapal ng usok at madulas na daraanan papasok.

Samantala, wala pang maipahayag na official report ang BFP Bataan ukol sa naging dahilan ng nasabing sunog.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Bataan mayroon lamang mga ilang responders ang nasaktan.

Sarado ang buong mall at mga daan na nakapaligid dito.

Dumating na rin ang ilang firefighters mula Central Luzon para tumulong sa pag-apula ng apoy.