Mahigit sa 15 bahay, nasunog sa Brgy. Dela Paz, Biñan City, Laguna

Bahagi ng nangyaring sunog sa A. Mabini St. Brgy. Dela Paz, Biñan City, Laguna nitong Miyerkules, November 22. (Photo by: Arnel Aleroso)

BIÑAN CITY, Laguna (Eagle News) – Tinupok ng apoy ang mahigit sa labinlimang bahay sa A. Mabini St., Brgy. dela Paz, Biñan City, Laguna.

Ayon kay Edward Casubha, 35 taong gulang mag-aalas tres ng madaling araw nitong Miyerkules, November 22, habang siya ay natutulog ay may narinig siyang sumisigaw ng sunog mula sa labas ng kanilang tahanan.

Paglabas aniya niya ay nakita niya na nasusunog na pala ang bahay ng kanilang kapitbahay.

Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay ay mabilis na kumalat ang apoy.

Agad namang dumating ang mga bumbero na kanilang natawagan.

Sinasabing nagsimula ang sunog sa bahay ni Ebie delos Santos kung saan umabot ito sa ikatlong alarma.

Wala naman nasaktan o nasawi sa nasabing sunog. Idineklarang fire-out ang sunog bandang alas 4:29 ng umaga.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang mga natupok na ari-arian.

(Eagle News Correspondents Arnel Aleroso, Elmer Mendoza)